A monthly newsletter of the

Biotechnology Information and Organization Network

January 2008

.

Potensiyal ng mais pinalakas
ng makabagong teknolohiya

JONATHAN L. MAYUGA

NAGING tampok sa ginanap na 5th Philippine National Corn Congress (5th PNCC) sa Iloilo noong Enero 9-12 ang mga akma at makabagong teknolohiya para paunlarin ang industriya ng mais sa Pilipinas.

Ang pagpupulong ay naging daan para sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, partikular na ang Department of Agriculture (DA), at iba’t ibang pribadong kumpanya para ipakilala ang kanilang mga produkto.

Gaya ng inaasahan, bida ang mga produkto ng makabagong bioteknolohiya o biotek dahil sa katangiang kaya nitong labanan ang peste at pati ang nakalalasong kemikal na gamit upang puksain ang damo sa taniman– ang Bacillus thuringiensis o Bt corn at ang Roundup Ready corn na gawa ng Monsanto Philippines.

Ayon kay Rosallie Ellasus, presidente ng Philippine Maize Federation, Inc (PhilMaize) na siyang nag-organisa ng naturang pagpupulong, matagumpay nilang naiparating ang mensahe ayon na rin sa tema nito na “Nagkakaisang Pagpapalaganap ng Akmang Teknolohiya para sa Maunlad na Maisan.”

Aniya, ang pagpapalaganap ng akmang teknolohiya ang susi sa maunlad na maisan, na siyang kinakailangan upang tuluyang maiahon ang mga magsasaka sa kahirapan.

Naging daan ang naturang pagpupulong para muling makita ang potensyal ng industriya ng iba’t ibang sektor, partikular na ang mga magsasaka, dahil na rin sa tulong ng makabagong teknolohiya.

Ang mga magsasaka sa Sara, Iloilo ay ilan lamang sa naging testigo dito, dahil na rin sa mabilis na paglawak ng plantasyon ng mais sa kabundukan dahil na rin sa makabagong teknolohiya.

Sa ilalim ng programang “Tipid Saka” na isinusulong ng Monsanto Philippines, isang kumpanya ng binhi na nagpakilala ng Bt corn at Roundup Ready corn, tumaas ang ani ng mga magsasaka mula 1.3 tonelada metriko kada ektarya hanggang 4.5 tonelada metriko kada ektarya, kahit na ang mais ay itinanim sa bundok na mahirap bungkalin.

Gamit ang nakalasong kemikal na pamatay ng damo at ang pest-resistant na binhi ng mais, nagagawa na ngayong magtanim sa mga nakatiwangwang na lupain sa kabundukan. 

Hindi na kailangan ng matinding paghahanda ng lupang pagtatamnan na mahirap gawin sa matatarik na bundok, dahil ang lupa ay kusang nagiging buhaghag sa paggamit ng herbicide na siyang pumapatay sa damo, upang tiyakin ang pagtubo at pamumunga ng maayos ng mga pananim gaya ng mais.

Naging hamon sa may 800 delegado mula sa iba’t ibang lugar sa bansa ang panawagan ni Agriculuture Undersecretary Jose Emmanuel Paras na bigyan ng solusyon ang samu’t saring problema na kinakaharap ng industriya ng mais upang makamit ang ambisyon nito na maging “corn self-sufficient” ang bansa sa taong 2010.

Kasabay nito ay ang anunsiyo ni Paras at Agriculture Assistant Secretary Dennis Araullo, coordinator ng Ginintuang Masaganang Ani (GMA) Corn Program ng dagdag na suporta ng pamahalaan katulad ng karagdagang post-harvest facilities, subsidiya para sa binhi at pataba, at tulong-pinansyal para sa mga kooperatiba na nagnanais bumili ng sariling traktorang pangsaka.

Ayon kay Paras, 50 corn processing centers ang inaasahang itatayo sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngayong taon, kasabay ng kasiguruhan na maglalaan ng P1.2 milyon bilang “counterpart fund” ang DA sa mga kooperatiba na bibili ng traktora, at P1,200 na subsidiya para regular na binhi ng mais at P2,000 naman para sa espesyal na binhi ng mais katulad ng pest-resistant na Bt corn at herbicide-tolerant na Roundup Ready corn.

Bagama’t bahagyang lumaki ang sektor ng mais matapos makapagtala ng mas mataas na ani ng mais sa taong 2007, kulang pa diumano ito ng tinatayang isang milyong tonelada metriko para makamit ang sariling target ng pamahalaan na umani ng kalahatang 7.4 milyong tonelada metriko ng mais noong nakalipas na taon.

Back to top

Potensiyal ng mais pinalakas ng makabagong teknolohiya

Malunggay hudyat ng pagsulong ng pagsasaka sa siyudad

Pagpapaganda, bagong larangan ng biotechnology

Malunggay, maaaring pagkunan ng biofuel

Editorial

Agham tungo sa kasaganaan

Columns

Dr. Gaudencio C. Petalcorin, Jr.

Alicia Ilaga

Nanet Tanyag

Directory

Archives

September 2007
October 2007
November 2007

December 2007

 

 


BIONet Pilipinas is published monthly by the Biotechnology Information and Organization Network
in cooperation with the Biotechnology for Life Media and Advocacy Resource Center with editorial offices at The Advocacy House, No. 8 Scout Chuatoco St., Roxas District, Quezon City.
Telefax (02) 4137293 and (02)3728560. Editors: Nanet Tanyag, Enrimand Dejeto and June Rodriguez.
Email address:
bionetpilipinas@gmail.com. Website:
www. biotechforlife.com.ph