A monthly newsletter of the

Biotechnology Information and Organization Network

December 2007

.

BIOCommerce tulong sa mga magsasaka

TUTUTUKANG mabuti ng Biotechnology Information and Organization Network (BIONet) ang pagsusulong ng BIOCommerce centers upang matulungan ang mga biotech companies sa pagkuha ng mga kinakailangang hilaw na sangkap nang sa gayon ay mapaunlad ang katayuan ng ating mga magsasaka.

Ayon kay Dr. Gaudencio Petalcorin, tagapangulo ng BIONet kailangan ang mga sentrong ito dahil bukod sa produksyon ng  “natural ingredients” ay marami pang ibang aplikasyon ang modernong biotechnology.

Isa ito sa mga tinalakay sa ikalawang pagpupulong ng BIONet National Council na ginanap noong  Nobyembre 26, 2007 sa lungsod ng Makati,  na isang bahagi din ng pagdiriwang ng ikatlong National Biotechnology Week.

Pagtutuunan din  ng pansin ang “values formation” para sa mga magsasaka, at pangunahin dito ang pagbibigay ng kaalaman sa mga ito  ukol sa pagnenegosyo. Ang mga grupo’t  kooperatiba sa kanayunan ang inaasahang magiging katuwang ng BIONet sa pakikipag-ugnayan sa kanila.

Iminungkahi ng capability-building committee, sa pangunguna ni Luzviminda Torres, na magsagawa ng mas maraming training-workshops hinggil sa biotechnology, lalo na ukol sa natural ingredients. Bahagi ng plano ng komite para sa 2008 ang isang programang pangsanay para sa Quezon.

Ibinulalas ni Danilo Manayaga, pinuno ng marketing, investments and resource mobilization committee, ang planong makahikayat ng mas maraming kooperatiba at mga grupo ng magsasaka upang magtanim ng malunggay. Binigyang-diin niya na sa pagpayag na maging manananim ng malunggay, ang mga naturang pangkat ay kagyat na magiging bahagi ng BIONet.

Iginiit din ni Manayaga na ang BIONet ay dapat na maging haligi sa pagtulong sa mga industriya sa biotechnology sa paglikom ng pondo. Kaya umanong palawakin pa ang naaabot ng BIONet.

Layon din ng konseho na magkaroon ng isang “database” ng mga kumpanyang may kinalaman sa BIONet at biotechnology sa bansa upang mapadali ang pagpaparating sa mga ito ng kinakailangang hilaw na sangkap.

Ilan naman sa mga napag-usapang estratehiya para sa paglikom ng pondo ang mga exhibits, kumperensiya, mga publikasyon at paghahanda ng mga plano sa negosyo at mga feasibility studies.

Sinabi naman ni Guillermo Argosino, pinuno ng social mobilization committee, dapat na magkaroon ng alituntunin ukol sa kwalipikasyon ng mga miyembro, at mga karapatan at  benepisyo ng mga kasapi ng BIONet.

Tutukuyin din umano ng BIONet ang mga maitutulong sa mga kasapi nito at lilinawin ang tungkulin ng bawat miyembro, kasabay ng pagbibigay ng karampatang impormasyon at pag-sasanay  sa  mga potensyal na kasapi.

Ipagpupunyagi din ang “advocacy of policy for biotechnology” sa lokal at pambansang antas, ayon kay Sultan Ismael Pangkatan, pinuno ng policy advocacy committee ng BIONet.

Nararapat umanong magkaroon ng alituntunin ang pamahalaan upang pigilan ang pagluluwas ng mga hilaw na sangkap.  Nangangahulugan ito na tanging mga “preprocessed materials” na lamang ang maaaring ilabas ng bansa upang maiwasan ang “bio-piracy.”

Kinakailangan din umano ng alituntunin upang palawigin ang pamu-muhunan sa biotechnology sa bansa. Makabubuti din umano ang pagbibigay ng insentibo sa mga kumpanyang biotech, tulad ng “tax holidays” upang maengganyo ang mga mamumuhunan.

Ipagpapatuloy ng BIONet ang pangunguna sa estratehikong pamamahagi ng mga information materials hinggil sa biotechnology at ang komersiyalisasyon nito.

Ang BIONet Pilipinas, ang buwanang newsletter ng organisasyon, ay naglalathala ng mga narating ng pangkat sa pagsusulong ng biotechnology sa kapuluan, ay maaring maging plataporma ng mga aktibidad hinggil sa biotechnology.

Back to top

BIOCommerce tulong sa mga magsasaka

'Malunggay in the City'

BIONet to blossom in 2008

Mga malunggay recipe ni Dr. Valera

Pinoy scientists and products shine
in 3rd National Biotechnology Week

Editorial

Forging ahead

Columns

Dr. Gaudencio C. Petalcorin, Jr.

Alicia Ilaga

Nanet Tanyag

Directory

Archives

September 2007
October 2007
November 2007

 

 

 


BIONet Pilipinas is published monthly by the Biotechnology Information and Organization Network
in cooperation with the Biotechnology for Life Media and Advocacy Resource Center with editorial offices at The Advocacy House, No. 8 Scout Chuatoco St., Roxas District, Quezon City.
Telefax (02) 4137293 and (02)3728560. Editors: Nanet Tanyag, Enrimand Dejeto and June Rodriguez.
Email address:
bionetpilipinas@gmail.com. Website:
www. biotechforlife.com.ph